Monday 4 June 2012

Mga Uri ng Tula

Ang Tula ay isang anyo ng panitikan na nagpapahayag ng damdamin ng isang tao. Ito ay binubuo ng mga saknong at ang mga saknong ay binubuo ng mga taludtud. Ito ay may sukat at tugma o malaya man ay nararapat magtaglay ng magandang diwa at sining ng kariktan. Mga Uri Ng Tula Ang Tula ay may apat na uri at bawat isa sa mga uring ito ay may kaniya-kaniyang bahagi.Ang mga uri ng tula ay ang sumusunod.Tulang Liriko o Tulang Damdamin, Tulang Pasalaysay o narrative poetry sa ingles, Tulang Patnigan at Tulang Pantanghalan o Padula. 1. Tulang Liriko o Tulang Damdamin (lyric poetry) .Ang Tulang liriko na uri ng mga tula ay hindi nagpapahayag sa isang kuwento na naglalarawan sa karakter at aksyon. Ang makata ay direktang sinasabi sa mambabasa, ang kanyang sariling damdamin, iniisip, at persepsyon. URI NG TULANG LIRIKO A. Awit – Ang awit ay isang uri ng tulang pasalaysay na binubuo ng tig-aapat na taludtod ang bawat saknong, na ang bawat taludtod ay may lalabindalawahing pantig, at ang tradisyonal na dulong tugma ay isahan.Ito ay ang karaniwang awiting ating naririnig.Karaniwan itong may malungkot na paksa - sad love songs kumbaga. B. Soneto – Isang tula na karaniwang may 14 linya.Hinggil sa damdamin at kaisipan, may malinaw na kabatiran sa likas na pagkatao. MAGSAYA TAYO Sonet Na Malagkit Fermin S. Salvador Alay ko'y soneto na waring kakanin, Gawa sa galapong na may kakanggata, May konting asukal at saka ininin Sa minana-mana pang aserong kawa - Bagaman ang uso ay mga rakenrol, Tinitimpla'y tipa sa gitarang buhay Nilang maiingay, may bajo at tambol, Kumbaga sa fastfood: burger at pitsapay. Alay ko'y soneto, tula at di hip-hop Na katerno'y mga damit na maluwag; Aking talinghaga, kahit ka maghubad Ay sasamahan ka ngunit nakadilat. Kahit pa ang rima sa kalye'y magkalat, Inuyat kong sonet, didikit sa utak. C. Oda – Ang oda ay karaniwang isang liriko o tula na nakasulat bilang papuri o dedikado sa isang tao o isang bagay na kinukuha interes ang makata o nagsisilbing isang inspirasyon para sa oda. Oda para kay Mang Johny ni bernardumali Itong larawan mo waring aklat ng kasaysayan, gumuhit sa alaala malinaw sa’king balintataw. Tila naririnig ko ang mga bomba, ang eroplanong pandigma ng Hapon na nag-iitsa ng dinamitang mumuntik ng humuhukay ng libingan mo. Waring nakita kitang umiiwas. Sa iyong pagsasalaysay nahagip ko ang sugat na lumuray at muntik ng pumilay sa iyong paa. Narinig ko ang usal mo sa Maykapal ang pagpapaubaya sa kanya ng iyong kaluluwa. Subalit hindi pa wakas bagkus ay rekado lamang ng mala-chopseuy mong buhay. Sa Taft Avenue, hindi ko nakikita ang Pan Pacific ni ang Landbank; tinatagos ng mga mata, tinatanaw ang dagat. Sa iyong masayang kwento nakikita ko ang mga mongha sa beaterio; ang mga mag-aaral ng altasesyodad. Nalilimot ko ang malagkit na lamyos bagkus ramdam ko ang masuyong hangin. Ang busina ng jeep ay napapalitan ng malalakas na hampas ng along sumasampa sa aplaya’t sabik sumuson sa mga kaibigang alon. Sa sinehan ng Robinson boudavil ang bumibida sa akin. Tila ang Clover Theater ay buhay na buhay waring nakipagkamay ako kay Pilita, habang iyong ipinakikilala sa akin; habang inaayos mo ang kanyang buhok. Malambot at maiinit ang kanyang kamay. Tama ka. Mabuti siya’t sinsero. Walang sinabi si Markova, humahanga ako sa iyong pag-ibig, humahagikgik sa iyong kapilyuhan. Kung paanong pinaiikot sa iyong palad ang mga dayuhang Hapon at Amerikano. Gayunman, hindi ko maiiwasang maluha sa miminsang kwento mo patungkol sa iyong anak. Kabiguan marahil, narinig ko ang iyong hikbi isang hapon, sa altar. Naramdaman ko ang bigat ng loob mo at pangungulila. Narinig ko ang iyong sumbong sa kanya at sa kapatid mo sa Maryland. Nauunawaan ko ang kahulugan ng panalangin sa iyong binabatang pagdaramdam. Paumanhin, Mang Johny Kung hindi ko natupad ang bayograpi na iyong pinasusulat sa ingles. Alam mong mahina ako rito at walang sapat na oras. Subalit maniwala ka, nagbalik ako taong 2002. Wala ka, maysakit ka raw. Sa wakas ay nasa piling ng iyong anak, marahil inaaruga, Hindi ko nagawang hanapin pa ang iyong kinaroroonan. Mas kailangan mong magpalakas. Nakarating sa akin ang balita, sumakabilang buhay ka na raw. Nanghihinayang ako’t di na muling nagkita at sa kwentong sana’y narinig o nabasa madla. Panatag ang loob kong payapa ka na, hindi ko man nagawang isulat buhay pa rin ang iyong alaala. Hindi ko rin tinunton ang iyong hukay pagkat sapat ng maalala kita sa aking isipan. Narito ang iyong hantungan buhay ka rito. Walang pagtangis, gaya ng madalas mong salubong sa aming nangupahan, nakinig sa iyong mga salaysay, sa aming alaala masigla ka… maligaya. Buhay na Buhay! D. Elehiya – Ito ay tulang may kinalaman sa guniguni tungkol sa kamatayan. ELEHIYA KAY INAY Kung ang kamataya’y isang panibagong paglalakbay aking Inay Sa iyong pagtawid ala-ala nami’y baunin Pagmamahal mo, pagkalinga, mga pagtitiis at pagdurusa Ngayo’y nakatakas ka na Habang nakamasid ka sa ‘ming iyong naiwan sa mga ibong nakasama mo, sa mga talangka at sigay na naging laruan mo sa mga along kahabulan mo at sa malawak na buhanginang naging palaruan mo Nawa’y naalala mo ang mga ito sa paglisan mo Mag-isang ninanamnam ang kalinga ng kalikasan habang isang ala-ala na lamang ang yakap ng iyong ina sa oyayi ng hangin, ipinaghele ka, sapagkat ika’y maagang naulila Lumaking salat sa pagmamahal sa magulang Tanging kaibigan naging takbuhan Inulila pa ng kapatid na turan animo’y isang sadlak sa dusang nilalang Pagkat ang isang kaibiga’y lumisan Tuluyan nang humalik sa lupa ang sarangolang dinagit ng hangin, Tanging pumpon ng bulaklak sa malamig na bato ang tangan mo Nakaukit na ang pangalan mo Ang naiwan sa ami’y mga ala-ala mo Nang isang inang kasabay kong nangarap, lumipad, kumalinga at sumalo sa aba ko. Sa bawat ngiti ng mga munting anghel na kinalinga mo isang munting kaluluwang pinanabikan mo Konting sulyap lamang sana anak ko Kahit ako’y malamig ng tila yelo Ngunit ito’y ipinagkait mo Ngayon aking ina sa iyong paglalakbay Baunin mo ang aming pagmamahal Ihalik sa hangin aming mga pagmamahal Ibulong sa Diyos na kami’y bantayan Yakapin ng pagmamahal kahit sa panaginip lang Nawa sa iyong pagtawid sa kabilang buhay masilayan mo ang kaginhawahang di natikman sa palad ko E. Dalit – isang uri ng tula, karaniwang pang relihiyon, partikular na nakasulat para sa layunin ng papuri, pagsamba o panalangin, at karaniwan ay ipadala sa isang Diyos o sa isang kilalang pigura o maliwanag na halimbawa. at may kahalong pilosopiya sa buhay. -Ang dalit ay isang katutubong anyo ng tula na binubuo ng walong pantig kada taludtod, apat na taludtod kada saknong at may isahang tugmaan. (Talagang nakagigimbal ang Maguindanao massacre na naganap noong Nobyembre 23, 2009. Kalunos-lunos ang sinapit ng limampu’t pitong taong walang awang pinaslang. Itong abang tula ay alay ko sa kanila at sa kanilang mga pamilya…) Ang panaghoy ng damdamin Mga buhay nang kitilin Parang hayop ang kahambing. Sila’y makabagong Cain… Panginoon, sana’y dinggin Itong munting panalangin Katarunga’y aming hiling Salarin ay panagutin. 2. Tulang Pasalaysay (narrative poetry) – isang tula na may balangkas. Ang tula ay maaaring maikli o mahaba, at ang mga kuwento na may kaugnayan sa maaaring maging simple o kumplikadong pangyayari. Ito ay karaniwang hindi madrama, nagkukuwentong tula gaya ng mga epiko, ballad, idylls at lays. URI NG TULANG PASALAYSAY A. Epiko – ay isang mahaba kuwento/tula, kalimitan tungkol sa isang seryosong paksa na naglalaman ng mga detalye ng kabayanihan gawa at mga kaganapan ng makabuluhang sa isang kultura o bansa. HAL. BIAG NI LAM-ANG B. Awit - Ang sukat ng bawat saknong ay lalabindalawahing pantig - Mabagal ang pagbigkas o pag-awit nito kaya madamdamin - Higit itong makatotohanan dahil ang paksa ay malapit sa kasaysayan -Higit na buhay at masigla ang damdamin nito HAL.. FLORANTE AT LAURA C. Korido -Ang sukat ng bawat linya sa isang saknong ay wawaluhing pantig - Mabilis ang pag-awit o pagbigkas nito tulad sa mabilis na pagsasalaysay - Ang paksa ay alamat at pantasya, may kapangyarihang supernatural ang tauhan kung minsan - May malalim na damdaming relihiyoso HALIMBAWA…..IBONG ADARNA D. PASYON Ang Pasyon ay isang naratibong tula ng Pilipinas, na nagsasaad ng buhay ni Kristo, mula kapanganakan hanggang sa pagkapako niya sa krus. Ang unang Pilipinong sumulat at kumanta ng pasyon sa Tagalog ay si Padre Gaspar Aquilino de Belen, isang katutubo ng Rosario, Batangas. E. BALADA c. Karaniwang Tulang Pasalaysay – Ang mga paksa nito ay tungkol sa mga pangyayari sa araw-araw na buhay. 3. Tulang Patnigan (joustic poetry) – Kabilang sa uring ito ang karagatan, duplo at balagtasan. A. Balagtasan – Tagisan ito ng talino sa pagbigkas ng tula, bilang pngangatwiran sa isang paksang pagtatalunan. Ito’y sa karangalan ni Francisco “Balagtas” Baltazar. B. Karagatan – Ito ay isang laro sa tula o isang paligsahan sa pagtula na kabilang sa tinatawag na “libangang itinatanghal” na ang taglay na pamagat ay nanggaling sa isang alamat ng singsing ng isang dalaga na nahulog sa dagat. D. Duplo – Ito ay isang laro sa tula o isang paligsahan sa husay sa pagbigkas at pangangatwiran nang patula. Hango ang pangangatwiran sa Bibliya, mga salawikain at mga kasabihan. 4. Tulang Pantanghalan o Padula – karaniwang itinatanghal sa theatro.Ito ay patulang ibinibigkas na kung minsan ay sinasabayan ng ritmo o melodiya ng isang awitin.Naglalarawan ito ng mga tagpong lubhang madula na maaaring makatulad ng, o dili kaya’y naiiba sa nagaganap sa pang-araw-araw na buhay A.MORO-MORO Ang moro-moro ay isang dula noong panahon ng mga kastila. Ito ay pagsasadula ng paglalaban ng mga moro laban sa kristiyano. B.KOMEDYA Ang Komedya (Comedy) ay isang termino mapa-pelikula man o entablado. Ito ay ginagamit kung saan ang mga nagsisiganap ay nagsasaad ng kasiyahan o lihitimong pagpapatawa sa bawat salitang mamumutawi sa kanyang bibig. C. BALAGTASAN Ang balagtasan ay isang pagtatalo sa pamamagitan ng pagtutula. Inimbento ito noong panahon na ang Pilipinas ay nasa ilalim ng Amerika, base sa mga lumang tradisyon ng makatang pagtatalo gaya ng karagatan, huwego de prenda at duplo. Ang pinagmulan ng pangalan na balagtasan ay ang orihinal na apelyido ni Francisco Baltazar, Balagtas, dahil ginawa ito para sa okasyon ng pagdiwang ng anibersaryo ng kanyang kaarawan. Ang balagtasan ay hawig sa isang duplo. Ang mga kasali dito ay gumaganap na nasa isang korte na sumisiyasat sa kaso ng isang hari na nawala ang paboritong ibon o singsing. May gumaganap nafiscal o tagausig, isang akusado,at abogado. Ito ay magiging dibate o sinasabing tagisan ng katwiran sa panig ng taga-usig at tagapagtanggol at maaaring paiba-iba ang paksa. Bagamat ito ay lumalabas na dibate sa pamamaraang patula, layunin rin nito na magbigay aliw sa pamamagitan ng paghahalo ng katatawanan, talas ng isip, na may kasamang mga aktor sa isang dula. Ang balagtasan ay ginamit ng mga manunulat upang maipahiwatig ang kanilang palagay sa aspetong politika at mga napapanahong pangyayari at usapan. D. BATUTIAN Ang “batutian” na hinango naman sa pangalan ni “Huseng Batute,” ang alyas ni De Jesus. Bambu Inglis vs. Wikang Pambansa (Batutian) Lakambini (kay Huwan): Namamanaag na sa dakong silangan Ang kulay ng iyong magandang liwayway; Bukas, sa pagsikat ng palalong araw, Isa kang watawat na mamamagayway! Mula sa Kanluran: dinala ng alon Sa iyong pasigan ang tapat na layon; Sa buton ng abo: ikaw ay babangon Na malayang bayan sa habang panahon. Paulo: Huwan,tanggapin mo ang pakikilugod Ng isang kasama sa tuwa at lungkot, Binabati kita: ang tapat na loob Ay madarama mong laging naglilingkod. Huwan: Tapat na dibdib ay iyong damahin At pasasalamat ang tibok na angkin Ako’y sasaiyong gunita’t panimdim Habang ang silangan ay silangan pa rin. Paulo: Kaya, nang malubos ang pagkabanas mo, Ako ay may isang mungkahi sa iyo: Tagolog na ingles ang panukala ko Na wikang gamitin-du yu get mi ako? Huwan: Ano, mister Paul, nalalaman mo ba Kung ano ang iyong tinuran kanina? Paulo: Wat is rong may pren Wan, sa nasyonal langweds Kung ito’y gagawing Pilipinais Ingles? Huwan: Sa iyong sarili’y manainga ka nga, Kung ano ang iyong dinalit na wika; Kung ganyan, katoto, ang wikang pambansa: Anong wika iyan-mestisong baluga? Paulo: Huwag kang magtawa-do yu nat anderstan Ang ingles na wika ay pangyunibersal; Bilang isang nesyon: kinakailangan Na maanderstan ka ng iba pang bayan. Ang Tagalog langweds ay pang Pi Ay lamang, Di maikukumper sa Ingles, mister Wan; At sa diplomatik na mga usapan, Magagamit mo ba ang langweds mong iyan? Huwan: Dapat mong mabatid na ang pagkabansa Ay makikilala sa sariling wika, Bakit pipiliting ako’y magsalita Ng wikang di akin-hiram at banyaga? Paulo: Tingnan mo nga kami-bakit ang inadap Ay wikang mula pa sa ibayong dagat? Tulad ng Bretanya: kami ay umunlad Gayong wikang hiram ang aming binigkas! Huwan: Kung iyan ang iyong wikang sinasabi, Wikang pinagmula’y higit na mabuti. Paulo: Tingnan ang Hapon sa klos dor palisi Ang ginamit lamang ay wikang sarili; En wat is di risolt op dat pangyayari, Natutong sulatin ay magulong kandyi. Huwan: Nakakatawa ka, hindi naging hadlang Sa bayan ng Hapon ang wikang minahal; Ang simula”t dulo ng ganyang dahilan Ay dala ng kanyang mga kaimbutan. Paulo: Kaya tingnan natin kung saan hahantong Ang nasyonal langweds na onli por pinoy. Huwan: Ang nakakatulad nitong pagtatalo: Pork tsap at hambardyer ang wikang Ingles mo; Ang wikang Tagalog naman ay adobong Masarap sa akin nguni’t di mo gusto. Dapat mong malamang ang wikang pambansa Ay kinamulatan mulang pagkabata; Ito ay ang buhay, kaluluwa at diwa. . . Ng pagkalahi ko sa balat ng lupa! (Wakas)

No comments:

Post a Comment